4/07/2015

Ang Katamaran na Nakakatamad

                   Oo, aminado naman ako na isa ako sa mga tao na hindi biniyayaan ng umaapaw na kasipagan. Isa ako sa maraming nilalang na nabubuhay sa mundo na walang masyadong ginagawa para maging aktibo sa mga gawaing pambahay, pang-agrikultura o pangkabuhayan. Ang pagkilos, para sa akin ay isang malaking pagsubok kaya naman sa araw-araw na buhay ko, limitado lang ang aking ginagawa. Heto ang aking iskedyul na paulit-ulit lang sa araw-araw:

5:00am- gigising. Mag-iisip kung ano kaya ang mangyayari sa araw ko. Pag wala akong naisip, iisip na lang ako ng ibang topic (di ko pa alam kung ano yun, sa ngayon)

5:30am- babangon.

5:35am- totoong pagbangon. (mahirap kaya maging mabigat at mabagal kumilos)

5:36am-6:06am- maliligo. Ganyan talaga katagal ang pagligo ko kasi sa pagitan ng oras na yan, andun na din yung pagsabay ko sa pinapatugtog ko na mga kanta sa banyo. (paborito kong pakinggan habang nasa banyo ay mga rock songs, ewan ko ba, pampabuhay ata ng dugo)

06:07am-06:27am- magbibihis, mag-aayos pagpasok, mag-iisip ulit kung ano ang mangyayari sa araw ko.

06-28am-06:30am- aalis ng bahay para pumasok sa office. (araw-araw akong medyo naiinis kasi late na naman ako)

06:31am-04:30pm- sama-samang oras na yan para sa byahe ko papuntang office, work sa office, pakikipagkwentuhan (sa kung sino mang kakausapin ako), meryenda (pag sinipag), lunch (siyempre, kumakain naman ako), work ulit sa office, OT (kung kailangan) at siyempre, pag-iisip ulit kung ano kaya ang mangyayari sa araw ko (kasi nga hindi pa tapos ang araw, marami pa pwedeng mangyari)

                             Pagkatapos ng mga oras na yan, wala na. Wala na akong ideya kung ano na ang gagawin ko. Marami sana akong naiisip gawin: maglaba (kaso may malapit naman na laundry shop), maglinis ng bahay (hindi pa naman masyadong madumi), magsukat ng mga damit (na hindi ko alam kung kasya pa sa akin), magbasa ng mga libro (na nakadisplay lang sa kwarto), maginternet (nakakamahal yun ng bill ko sa plan), tumugtog ng gitara (baka wala sa tono), hipan ang electric fan at pagalawin ang elesi (pagbabalik ba ng tulong na ibinibigay niya pag naiinitan ako) at bilangin kung ilang beses lalabas sa TV commercial si Kris Aquino at Sarah G. (ay si Ryzza Mae pa pala). Naisip ko lang, siguro hindi naman talaga ako tamad, hindi ko pa lang talaga nakikita ang full potential ko. Hindi ako gumagawa ng excuse, promise. Naisip ko din, baka naman for a moment eh nakalimutan ko lang maging masipag kaya ako tinatamad. 

                        Pero seryoso, minsan tinatamad na din naman akong maging tamad. Naniniwala kasi ako na wala naman talagang permanente. Kung ngayon, tamad ako, baka 5 years from now, hindi na. (5 years talaga ha?) Isipin mo, kung tamad talaga ako, hindi ko naman 'to magagawa 'di ba? Habang tinatapos ko to, isa lang ang nasa isip ko.....

                         Pa'no ba lalabanan ang katamaran kung tinatamad kang labanan ito?

hourglass



No comments:

Post a Comment