7/25/2015

Boses

May boses na sa aki'y laging bumubulong
Kunwari'y nasasakal, humihingi ng tulong
Kay tagal na panahong ako'y nagbingi-bingihan
Kahit naririnig, ang boses ay di pinakinggan

“Ngayon na! Gawin mo na!” iyan ang kanyang sambit
Sa aking mga tenga'y sinasabing paulit-ulit
Ngunit ako yata'y naging masyadong matigas
Di agad naintindihan ang gulong dinaranas

Heto ngayon, bumabalik na naman
Sa aking isipan ang nakaraan
Kung paanong ang boses ay hindi dininig
Isinawalambahala ang kawawang tinig

Pilitin mang itago, palaging andiyan pa rin
Sa aking katauha'y pilit na umaangkin
Minsa'y naguguluhan, minsan nama'y nababahala
Hatid ng boses na pilit gumagambala

Alam kong ang lahat ay hindi pangmatagalan
Kaya't ang boses ay dagli rin namang lilisan
Sa ngayon, hahayaan na lamang ang boses na mangusap
Ng mga ninanais at di maabot na pangarap

Marahil nga ang boses ay nagpapahiwatig
Ng mga bagay na hindi masabi ng bibig
Sa halip, kusa lamang na mararamdaman
Ng ating mga puso at tatanim sa isipan

Lahat tayo ay may boses na iniiwasan
Dahil sa takot na sumubok o kaya'y masaktan
Anuman ang mangyari, saan man maglakbay
Ang boses ay mananatili sa ating buhay

Dinggin mo man o hindi, ang boses ay nariyan
Sa anumang gawain, ikaw ay gagabayan
Sa iyo’y ituturo ang tamang daan
Patungo sa buhay na walang pag-aalinlangan.


hourglass

No comments:

Post a Comment